Wednesday, March 2, 2011

Ang LCHS sa paghinog ng panahon




Upang makamit ang mga pinapangarap, inaasam at minimithi sa buhay, kinakailangan nating tahakin ang isang daan. Landas na magbibigay ng pag-asa at aral di lamang para tayo ay matuto kundi para narin humubog sa ating pagkatao. Ang landas na tinutukoy ko ay walang iba kundi ang paaralan. Ikaw,anong landas ang iyong tinatahak? Masasabi mo bang tuwid ito at tama ang yong paroroonan?

Ilan lamang yan sa mga mahahalagang katanungang malimit ng maisip ng mga kabataan ngayon. At ako, habang dahan-dahang tinatawid ang daang makipot, natagpuan ko ang isang lugar na puno ng kaalaman at naghahasa ng anumang taglay mong mga kakayahan. Anong lugar ito?

Ito ay ang Legazpi City High School o LCHS. Noong una, ni hindi sumagi sa isip ko na mag-aral dito. Ayon sa kwento-kwentong narinig ko, itinayo ang paaralang ito sa dating imbakan ng basura. Hindi ko lubos na maisip kung papano nila nagawang matuto sa kabila ng lugar na kanilang pinaliligiran. Nalaman ko din na hindi ito kailanman hadlang sa mga taong pursigidong matuto.

Sa pagkakaalam ko ipinundar ito ng dating Mayor na si Ginoong Noel Rosal,asawa ng kasalukuyang Mayor ng ating lungsod na si Ginang Geralsdine Rosal. Nagumpisa ang LCHS sa mahigit kumulang na isang daang mag-aaral sa unang taon. Noong umpisa palang ay aktibo na sa paglahok ang paaralang ito sa mga patimpalak na pang-akademiko. At hindi lamang sa akademiko umangat ang nasabing paaralan. Maging sa mga tagisan ng kakayahan ay nagpamalas ito ng kahusayan.

Dumaan ang isa, dalawa, tatlong taon. Nakumpleto na ng LCHS ang apat na taon. Nagtapos na ang unang grupo ng mga mag-aaral na naging parte na ng City High sa pagbuo ng mga hakbang patungo sa tagumpay. Sa panahong iyon, papasok pa lamang ako sa parehong paaralan bilang isang freshmen. Madaming bago at masasabi kong hindi maikukumpara sa elementarya. Dito nakakilala ako ng mahuhusay na guro na siya naming maipagmamalaki.

Naalala ko pa nga, nang minsang may magtanong kung saan ako nag-aaral, ng nabanggit ko ang pangalan ng aking pinapasukang paaralan ay samu’t-saring magagandang reaksyon ang aking nakukuha. Ito ay sa dahilang itinuturing nila ang aming paaralan bilang isa sa pinakatanyag na paaralan sa lungsod ng Legazpi pagdating sa galing sa pakikipagsabayan sa antas ng edukasyon ng mga nasa pribadong paaralan sa sekondarya.

At habang naroon ako’t natututo napagtanto ko na kami mismo ay nagiging bahagi ng LCHS habang lumilipas ang bawat araw ng pagkatuto. Gumagawa din kami ng sariling lamat sa kasaysayan n gaming paaralan sa iba’t-ibang paraan. Natatandaan ko pa nga nung minsan ay isa rin ako sa mga kalahok sa mga patimpalak. At habang nakasalang sa mga pagsubok na ito. Naramdaman kong pasan ko sa aking mga balikat ang pangalan ng aming paaralan. Natuto akong gumawa ng mga bagay na hindi ko inaasahang magagawa ko. Natuto akong maging malakas sa kabila ng mga pagkabigo. Natutunan kong tumanggap ng pagkatalo. At sumuporta sa mga kasama kong nakaabot pa ng Nationals. At ako mismo, masasabi ko sa  aking sarili na naging parte ako ng kasaysayan nito na patuloy na nadaragdagan taon taon.

Sa aking akala, iyon lamang ang matutunan ko. At hindi rin ako humihingi pa ng labis sa kaalaman. Ngunit dito, saksi ako sa pagbabago ng pagkatao. Naging isa ako sa mga nabago. Nabago para sa ikabubuti hindi lang ng aking sarili kundi pati na din ng mga taong nakapaligid sakin. Sa LCHS nakasalamuha ko ang mga  taong maituturing na tunay na kaibigan. Ngunit gaya ng marami meron ding mga taong dapat iwasan.

Sa kasalukuyan, humihigpit ang patakaran at standard ng aming school. At kung dati ay dalawang silid paaralan lang ang City High, ngayon ay mahigit na ito sa walo. Madami ng pagbabago mula ng dumating ako sa landas kong ito. sabi nila mas hihirap pa daw ang aming pagdaraanan. Lalo na’t itinuturing na kaming isang ESEP Curiculum. Madami na ding idinagdag na mga patakarang hinding hindi mo dapat suwayin.

Ngayon, nasa ikatlong taon na ako sa paaralang ito. Mabigo man ako sa minimithi ko, hindi parin ako titigil sa pag-abot sa mga bituing ipinangako kong aabutin ko kahit anong mangyari. Kung ang LCHS nga ay umangat mula sa dati nitong kalagayan, inaasahan kong magagawa ko din ito sa aking sarili.

Kung ihahambing sa prutas na nahihinog ang Legazpi City High School, ito ay isang prutas na araw na lamang ang hinihintay upang mahinog. Matamis at maganda ang textura’t kulay. Pero sa lahat ng prutas na nahihinog, ang LCHS ang prutas na hindi kailanman mabubulok kahit gaano pa katagal ang lumipas na panahon…


Isinulat ni: Justin Mae Lico Aguilar

No comments:

Post a Comment